“Online Journal 7: Pagsusuri sa Maikling Kuwentong ‘Eye Candy’”
Ang kwentong ating matutunghayan ay isang kwento ng pagnanasa, pagpigil, inggit, at pangungulila sa nakaraan; ito ang kwento ni Maya sa: Eye Candy~
Maaring isipin na ang kwentong ating tatalakayin ay isang noontime drama sa TV — ngunit hindi ito noontime drama kundi isang maikling kwento; isang kwentong puno ng drama at pagharap sa sariling isip. Ang maikling kwentong ito na isinulat ni Sarah Lumba-Tajonera ay sya ngang maiksi ngunit ito naman ay hitik na hitik sa kaganapan.
Simulan natin ang ating talakayan sa pagkilala sa ating mga tauhan, umiikot ang ating kwento sa “interaksyon” ni Maya at ang isang mas nakatatandang babae na tinawag sa kwento bilang “witch”. Kasama ni Maya ang kaniyang kabiyak na si Richie, ang kasama naman ni “witch” si Andrei. Sa ating kwento, marami tayong nalaman tungkol sa katauhan ni Maya; sa kaniyang paglilibot sa sarili nyang isipan at alaala ay nakita natin na siya ay isang pragmatikong tao — siya ang uri klase ng tao na mas pinapanigan ang boses ng pagiging lohikal, kalkulado, organisado, at delikadesa.
“She always had a need for order, to put everything in neat little columns…Maybe not just a salad for tonight,
she began bargaining with herself…just a bite or two, she swore to herself…But at the very last second, reason prevailed.” (Lumba-Tajonera pp. 4, 7–8)
Mahaba rin ang pasensya ni Maya, sa tagal na ng kanilang pagsasama ng kaniyang asawa na si Richie — isang businessman na palaging pagod, busy, at late sa kanilang mga date — ay sanay na si Maya na mag-hintay at maging kalmado.
“Richie was late again…She took another sip and called Richie on her smartphone. He was not picking up. Another long-drawn conference call…she figured. She should be used to it by now, she supposed, all that waiting for him…Most nights he came home tired from wining and dining stakeholders…or from managing people.” (Lumba-Tajonera pp. 4, 5)
Ngunit, kahit na pasensyosa at kalmado si Maya ay mayroong mga uri ng tao na hindi nya matiis — ang mga taong katulad ni “witch”. Inilarawan ni Maya si “witch” bilang mabunganga, matanda, at kabilang sa mga Demi Moores and the Chers of the world (Lumba-Tajonera p. 4). Samakatuwid, ayaw na ayaw, at kinaiinis ni Maya na nakikita ang isang taong nasa edad na ni “witch” na nagiging “maharot” at tila walang hiya na nakikipag-kita sa isang binata na mas bata sa kaniya ng maraming tao. Malaking kasalanan ito para sa taong tulad ni Maya na malaki ang ibinibigay na halaga sa kanilang itsura at imahe (Lumba-Tajonera p. 2). At mula sa pagkainis ni Maya sa kaniyang mga nakikitang ginagawa ni “witch” ang siyang simula ng ating kwento.
“There was the cackling again. How annoying…” (Lumba-Tajonera p. 5)
Sa pag-aantay ni Maya sa kaniyang asawang si Richie, ay kaniyang pinagtuunan ng pansin ang paglalambingan ni “witch” at Andre — binatang ang kasintahan ni “witch”. Nagpatuloy na magmasid si Maya sa paglalambingan ni “witch” at Andrei, sa kaniyang mga pagmamasid ay kaniyang binalikan ang alaala ng kaniyang pagdadalaga at ang unang pagtatagpo nila ni Richie.
Mapapatanong ka na lamang, ang nararamdaman nga ba ni Maya ay inis na nag-uugat sa kanyang galit sa pag-uugali ni “witch” sa isang pampublikong lugar? Ang aking hinala ay oo — ngunit, ang inis na ito ay nahaluan ng isa pang dahilan; inggit. Sa mga “interaksyon” ni Maya at “witch” masasabi natin na si “witch” kumpiyansa sa kaniyang sarili at si Maya ay nahaharap sa pagiging insecure sa kaniyang edad at itsura, kaya naman kaniyang itinatago ang kaniyang insecurity sa kaniyang pagkainis para sa ugali ni “witch”.
“Maya watched her smile at the waiter and saw a few crinkles appearing near the sides of her mouth. Maya instinctively touched her own lines” (Lumba-Tajonera p. 8)
Ikinakahiya ni Maya ang mga katangian na magpapakita ng kaniyang edad, nabanggit sa kwento na sa oras na may tumubo na puting buhok, o may madagdag sa kaniyang timbang ay pinapaayos at tinatago nya ito sa pamamagitan ng pagpunta sa mga salon at pagsunod sa mga diet. (Lumba-Tajonera p. 6, 8) Ibig sabihin na sa kwentong ito, pinapalabas na ang kaaway ni Maya ay si “witch” ngunit maaaring ang tunay na nilalabanan dito ni Maya ay ang sarili nya, partikular na ang pagtingin nya sa kaniyang sariling imahe.
Sarili ang kaaway ni Maya dahil sa kaniyang pagiging maingat sa kung paano nya ipinipresenta ang kaniyang sarili sa ibang tao, gusto nyang ipahiwatig na siya ang nasa kontrol ng sarili nya, makikita ito sa hilig nya sa mga bagay na organisado. Makikita ito sa pahina tatlo at apat ng akda ni Lumba-Tajonera, sabi sa mga pahinang ito: “Maya leaned back on her upholstered seat and smiled to herself. She liked places that were so put together… She always had a need for order, to put everything in neat little columns…”. Kaya ang makita ang isang kapwa babae — na syang nakatatanda kay Maya — na tila ba hindi nahihiyang ipakita ang kaniyang tunay na edad at pinipigilan ang sarili na maaliw at maging masaya sa kaniyang sarili at ginagawa ay isang sampal sa mukha ng realidad ni Maya.
“Richie kissed her back but noticed nothing. And though she didn’t see if anyone was watching them, Maya felt someone cackling behind her.” (Lumba-Tajonera p. 12)
Nagkaroon ng sandaling pagtatagpo at mala-Maricel Soriano na pagtitigan sa CR nang magkasalubong si Maya at “witch” ngunit wag magalala dahil wala namang naganap na sabunutan sa pagitan nilang dalawa. Matapos ng tagpong ito ay nakarating na si Richie at doon na natapos ang kwento.
Napaka-interesante ng paglalakbay natin sa pag-iisip ni Maya, sa pagbabasa ko ng kwentong ito ay nakuha agad nito ang buo kong atensyon dahil may parte ng aking pagkatao ang nakakaintindi sa pinagdadaanan ni Maya. Ako rin ay mahilig na ayusin ang aking sarili, ako rin ay labis na natutuwa kapag ako ay nasa isang fine dining na kainan, at syempre tulad ni Maya ay minsan nadidisturb ako or naiinis kapag may mga bagay o tao na hindi ayon sa aking gusto, minsan tatawagin pang jologs, jeje, corny, atbp. Ngunit, sa patuloy kong makaranas ng iba’t-ibang sitwasyon ay napagtanto ko na wala namang masama sa pagiging organisado at sa kagustuhang maging presentable — pero ang masama ay ang maging elitista at ibaba ang kapwa nang dahil lang sa kanilang pagiging iba sa akin. Ito ang palaging paalala sakin ng ate ko tuwing nasa labas kami o may pinapanood tapos may kumento ako tungkol sa iba, dagdag dito ang isa sa mga napulot ko sa aming kumandante sa CAT, sabi nya na minsan may mga bagay o tao na hindi tayo sang-ayon, sa mga sitwasyon daw na ganoon ay dapat mauna muna ang respeto — hindi natin maipipilit agad-agad ang ibang tao na magbago ng paniniwala o may mga bagay na hindi natin mababago agad.
Isang napaka-simplistikong ideya; respetuhin naman ang kapwa lalo na kapag wala naman talagang mali at napapahamak sa ginagawa nila, at dapat respetuhin din natin ang kasiyahan ng iba. Kaya naman hangang-hanga ako sa pagkakasulat sa mga karakter sa kwentong ito, lahat sila kapani-paniwala at mga kaniya-kaniyang representasyon ng iba’t ibang klase ng tao.
Natuwa, naintriga, at napaisip ako sa kwentong tinalakay natin ngayong araw na ito. At patuloy tayong wag tumulad kay Maya, wag nating pag-isipan ng masama ang ginagawa ng iba kung wala naman silang pinapahamak at nasisiyahan naman sila sa ginagawa nila. Tularan naman natin si “witch” sa kaniyang pagtanggap sa kaniyang sarili at sa pagpili na maging masaya.
Mga Sanggunian
Lumba-Tajonera, S. Eye Candy. Palanca Awards, 2014, https://www.palancaawards.com.ph/index.php/winning-works (https://drive.google.com/file/d/13s6kkaWWsjfkt3W31zBrlWPMd2molYDr/view)