Online Journal 4: Pagsusuri sa ‘Walang Kalabaw sa Cubao’ ni Acosta at ‘The Gods We Worship Live Next Door’ ni Santos

Jose Teoderico Camacho
7 min readNov 14, 2020

--

Ang panitikan sa Pilipinas ay mayroong mayamang kasaysayan bilang bilang porma ng protesta at komentaryo. Ang mga tekstong aking sinuri ay mayroong magkatulad na tema na tinitignan ang dalawa sa maraming panig at lebel ng mga antas ng lipunan sa bansa. Hindi ko na pinaghiwalay ang paghimay at pagtalakay sa mga akdang ito dahil palagay ko ay mas magiging tiyak at direkta ang paghahambing at pagkukumpara sa mga nabanggit na “karakter” sa akda.

“Here are the Philippines’ Social Classes” — Mark Salazar 2019

Ang imaheng ito sa kaliwa, na galing sa tweet ni Mark Salazar noong 2019, ang unang sumulpot sa aking isip sa pagbasa at paghambing ng dalawang teksto.

Maari nating sabihin na ang mga persona ng mga akdang ating tinatalakay ay parehong mga galing sa panggitnang uri. Makikita ito sa “Walang Kalabaw sa Cubao” sa pagbanggit nya ng mga ruta ng byahe mula sa Cubao papunta sa ibang karatig bayan. At sa kakayahan nyang makapunta sa mga mall. Masasabi ring maykaya ang persona ng “The Gods We Worship Live Next Door” dahil mayroon syang kakayahang tumira sa isang lugar na malapit sa mga “gods” na kaniyang tinutukoy.

Dahil sila’y panggitnang uri, may kakayahan silang makita at mapansin ang mga galaw ng mga nasa magkabilang dulo — ang mga mayayaman, at ang mga biktima ng poverty.

Ang mga akdang ito ay gumamit ng mga partikular na simbolismo para gamiting mga metapora para sa mga kanilang gustong talakayin. At ang mga metaporang ito ay malinaw na makikita sa mga pamagat ng mga ito; ang kalabaw para sa “Walang Kalabaw sa Cubao”, at ang mga “diyos” o “ gods” sa “The Gods We Worship Live Next Door”. Maganda ang paggamit ng mga makata sa mga metaporang ito dahil ito ay simple at diretsahang naisasalarawan ang mga tema ng akda. Nais ipakita ni Acosta na ang Cubao ay isang “bustling city” inihahambing nya ito sa mga stereotipikal na katangian ng mga kalabaw — ang maging isang “workhorse” o isang gamit na gamit na gamit na. Hindi rin nalalayo sa katotohanan ang paglalarawan ni Santos sa mga taong mayaman at may kapangyarihan bilang mga “gods” dahil sa kanilang kakayanang makaimpluwensya dahil sa kanilang taglay na yaman.

Hindi doon nagtatapos ang panggamit ng mga makata sa mga simbolismo at metapora. Ginamit ni Acosta ang metapora ng kalabaw para magpakita ng mga nagsasalungat na imahe para maipakita nya ang sitwasyon ng mga homeless at impoverished na makikita sa paligid ng EDSA. Sabi sa tula:

“Mga bastardong anak

Nina Aurora’t Epifanio

Na ang langibang pusod

Ay kakabit pa rin

Ng matris ng estero;

Mga binatilyong binabansot

Sa ilalim ng Big Dome

Sa anino ng kongkretong domino

Ng tinatayong tulay ng MRT-2"

Marami pang mga detalye at lugar ang nabanggit para mailarawan ang buhay ng mga taong ito. Importante ang mga ito dahil nadadala ng mga ito ang mambabasa sa isang frame-by-frame view ng isang ordinaryong araw sa Cubao. Ang tila rapid-fire din na pagbigay ng mga detalye ay nailalarawan ang gulo at ang mga maraming bagay na nangyayari nang sabay-sabay sa paligid. Nahandyan ang mga construction projects, ang mga batang nagtatakbuhan, ang tila mala battle-royale na unahan at agawan ng mga barker para makakuha ng mga pasahero sa mga estasyon. Para sa may akda, ang mga ganap na ito ang nagpapakita kung bakit walang kalabaw sa Cubao kung hindi ang Cubao ang kalabaw, at ang mga taong nasa loob ng Cubao ay mga langaw. Sa palagay ko, hindi layunin ng makata na gamitin ang metaporang ito para mang-insulto, sapagkat ang kalabaw ang maghapong kumakayod at ang mga langaw na dumadapo ay mga umaasa lamang sa kalabaw. Hindi nito layuning manghiya, bagkus ay ipakita na ang mga taong ito ay walang ibang magawa kung hindi piliin na gawin ang kanilang mga ginagawa. Ang mga mahihirap ay hindi kalabaw, sila ay mga langaw dahil sila ay mga nakadapo sa likod ng Cubao at wala silang kakayanan na na makatulong sa pagkayo ng kalabaw na Cubao.

Mula sa Cubao tayo naman ay bumiyahe papunta sa ibang bayan kung saan doon makikita ang mga mayayaman na mga diyos kung ituring dahil sa kanilang yaman. Sa ating pagbyahe, napansin natin na ang mga pangalan ng mga ating dinadaanan ay mga hango sa pangalan ng tao. Nahandyan ang Epifanio De los Santos Avenue (EDSA), Aurora Boulevard, Roxas boulevard, Quezon Memorial circle, at marami pang iba. Sino nga ba ang mga taong ito at sa ang kanilang mga pangalan ay nakadikit sa mga kalsadang ito? Ang mga taong ito ay mga pulitiko, mga taong may kapangyarihan at yaman na mapapatanong ka na lamang kung tao pa ba sila o diyos na.

Ito ang naging inspirasyon ni Santos para sa tula niyang “The Gods We Worship Live Next Door”. Ang mga nabanggit na “gods” ay hindi mga diyos sa literal na ibig sabihin, kung hindi ito ay isang simbolismo ng kanilang kapangyarihan at yaman. Alam naman nating lahat ang mga biro at meme na kada mayroong bagong eskandalo ang isang pulitiko ay bigla silang mada-diagnose ng isang malubhang sakit. Sabi sa tula:

“The gods we worship live next door. They’re brown

and how easily they catch cold sneezing

too late into their sleeves and brandishing

their arms in air.”

Isa pa sa mga karaniwang katangian ng isang Pinoy na trapo ay ang kakapalan ng kanilang mukha. Katulad ng nabanggit kanina na kada mayroong eskandalo ay magkakasakit sila bigla, kahit na sabihin mong malubha ang sakit nila ay may lakas pa sila ng loob na isapubliko ang kanilang mga sarili. Kaway dito, kaway doon, budots dito, budots doon.

Gayunpaman, ang kanilang pagpapabango sa publiko at kanilang pagpupumilit na sila ay “pangmasa” ay hindi naitatago ang kanilang maluhong pamumuhay. Mula sa kanilang magagarbong pananamit kada mayroong SONA, hanggang sa kanilang mga pagmamay-aring mga lupa, at business. Ang kanilang pamumuhay ay sadyang maluho. At magphanggang sa kanilang pagpanaw ay balot na balot parin sila ng luho at “prestige”. Ang sabi ng tula tungkol dito:

“In the cold months of fog and heavy rains

our gods die one by one and caskets golden

are borne on the hard pavements at even

down roads named after them, across the plains

where all gods go. Oh, we outlive them all,

but there are junior gods fast growing tall.”

Sino ba naman ang hindi mag-aakalang hindi sila diyos? Magpahanggang sa kanilang pagpanaw ay may kapangyarihan parin sila. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagtatapos sa kanilang iniwang yaman, ang pamanang impluwensya ng kanilang pangalan, at ang implwuensya ng kanilang mga taga-suporta kahit na sila ay wala na.

Higit pa sa paglalarawan ng mga pulitiko bilang mga diyos, nais din siguro ng tulang ito na magbigay komento sa malawakang paglaganap ng ideya ng populism at idolism ng mga tao sa mga pulitiko. Ang kapangyarihan at impluwensya ng mga pulitiko na ito ay napapalakas ng suporta ng masa sa kanila. Nakukuha nilang kunin ang loob ng mga tao sa paraan ng populism at kung matagumpay ito ay magiging idolo ang turing ng mga tao sa kanila, ang tawag dito ay idolism. Ganyan ang buhay ng mga trapo sa bansa, maialis man sila sa kanilang mga pwesto ay mayroon at mayroong mga bagong trapo na papalit sa kanila.

Pinapakita ng dalawang akdang ito ang distansya at disconnect sa pamumuhay ng mga people in poverty at ng mga taong mayayaman. Maaari ding ipagdugtong ang paggamit ng mga pulitkong nagdidiyos-diyosan ng populism sa mga taong mahihirap at namamanipula sila na umaabot sa punto ng idolismo.

Ang mga tema ng dalawang akdang aking sinuri ay ang dalawa rin sa tila walang katapusang bangugot ng bansa — ang kahirapan at ang paghaharing- uri ng mga may kapangyarihan. Payak at tiyak ang paglalarawan ng tula sa mga paksang ito, may pokus kaya naman madali nitong naililinaw ang mga usaping kanilang gustong talakayin. Naiaangkop nito ang mga katangi-tanging katangian ng mga bagay na kanilang pinaguusapan para mas maging natural at nakatanim sa katotohanan at realidad ang kanilang inilalahad. Kasama na dito ang pagbanggit ng mga iba’t ibang lugar at ganap sa Cubao, at ang mga luho ng mga “gods”.

Para sa akin, madali kong naipinta sa aking isipan ang tulang “Walang Kalabaw sa Cubao” dahil agad-agad kong naaalala ang pagbyahe ng aking pamilya papuntang Pangasinan. Tanda ko ang gahol at pagkataranta ng aking mga magulang, kailangan mabilis ang lakad, tingin sa harap at sundan nang mabuti ang kanilang hakbang sa dagat ng iba pang pasahero. Sa pag-alis at pagkaipit ng bus sa ubod ng bagal na daloy ng trapiko, hindi maiwasang mapagmasdan ang paligid at ang mga nandoon at makita ang pilit na pagtiis sa buhay nila doon.

Sa pagninilay ko sa mga tekstong ito, siguro ay ang mga taong tulad ko na may pribilehiyo ay siguro ako ay may pagka-diyos din. Dahil kung pipiliin ko, kayang kaya kong matulungan ang ilan sa kanila sa simpleng pagabot ng tulong. Subalit kung sa mitolohiya ay ako ay isang minor god lamang, sapagkat ang aking makakayanan ay hindi kasing lakas o bigat ng mga ibang mas may pera at posisyon at nakakalungkot na karamihan sa mga “gods” na ito ay mga pabaya at manhid sa kanilang paligid. Nakadagdag pa sa aking mga pagninilay ang pagtanggap ng tatay ko sa responsibilidad ng pagka-tsanselor ng UPLB, bilang anak nararamdaman ko ang mga pribilehiyo at perks ng kaniyang posisyon ngunit hindi ko parin alam kung paano iproseso ang aking mga nararamdaman dahil bilang estudyante rin ng pamantasan dahil hindi lamang next door kung hindi right next to me ang isang maimpluwensyang tao. Patuloy ko paring pinoproseso at tinitimbang ang sitwasyon ko, mulat ako sa bigat na dala ng pangalan ng tatay ko at kailangan hindi ako madala masyado sa mga delusions of grandeur na dala ng posisyon nya.

Ang tanging pinanghahawakan ko palagi ay ang aking pagkatao. Lagi kong pinapaaalala sa sarili ko ngayon bago ako magdesisyon, magshare, magpost, at magbitaw ng salita na ako ay tao, at estudyante ng pamantasan bago ang lahat. Lahat tayo ay tao, walang dyos at walang langaw, mayroon lamang mga mapang-abuso kaya nagkakaroon ng mga sitwasyong ganito kung saan inuuna ang tawag ng kanilang mga luho at hindi ang kanilang pagiging tao.

--

--

Jose Teoderico Camacho
Jose Teoderico Camacho

No responses yet