Online Journal 3: Pagsusuri sa Tula ni Amado V. Hernandez

Jose Teoderico Camacho
2 min readOct 24, 2020

--

Ang tulang “Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan” ni Amado Hernandez ay isang tula na nagsisilbing paalala mula sa mga biktima ng pangaapi at injustice. Nagsisilbi din itong isang paalala ng mga kalupitan at api na dinanas, at patuloy na dinaranas ng bayan. Sa tula ay tila pinaalala ng mga naging biktima na ito ang pananakop, pangaalipin, at pagnanakaw; mga bagay na unti-unting pumapatay sa kalayaan ng bayan. Ang mga ito daw ay tandaan at iukit sa ating mga puso at isipan habang sila’y ipinagluluksa. Pagkat dadating din ang araw na tayong lahat ay titigil na sa pag-iyak, titigil na sa pagkukubli at pagtitimpi — dadating ang araw na ang lungkot ay hindi na matitiis. At ang naipong mga luha ay magiging gigil at galit na siyang maguudyok sa atin na lumaban.

“May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;

Ang tulang ito ay may mga biglaan at agresibong pagputol sa mga linya, tila binibigyang diin at bigat ang lahat ng mga nais sabihin ng bawat saknong. Ang nai-imahe ko sa pagputol na ito ay ang persona ay parang isang tagapagsalitang itinataas ang kanyang boses para madinig ng lahat ng mga takapakinig; at sa bawat kuwit at semicolon ng kaniyang mga pangungusap ay naghahabol sya ng kaniyang hininga at naghahanda para bumwelo. Bagamat tila biglaan at agresibo ang pagputol sa mga linya ay napagdidikit at naitatahi ito ng mga tugmaan sa dulo ng bawat saknong. Ang tugmaang ito ay sinisiguradong magiging makinis at swabe ang daloy ng tula sa kabila ng matinik at matalim na mensahe ng tula.
Maaring pinili ng awtor na gawing ganito ang mga pagputol at paggamit sa mga bantas para maging simbolo ng pagpilit ng persona na pakinggan ng bayan ang kanilang mga tinig dahil tila ang tula ay nagsisimula sa isang pasalita na tinig at unti-unting umuusbong at lumalaki at lumalakas ang tunog nito.

“Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!”

Sa pagbasa ko ng tulang ito, parang nakaramdam ako ng kilabot, sindak, at parang may bagay sa aking lalamunan na di malunok-lunok. Dahil ang mensahe ng tula ay sobrang malapit parin sa kalagayan ng bansa ngayon. Ngunit sa kabila nito, matapos ang mga paalalang nakapanglulumo ay tila nabigyan ako ng kumpiyansa, pagasa, at lakas na magpatuloy na lumaban at gamitin ang aking tinig para sa pagbabago at paglalagot ng lumang tanikala.

--

--