Online Journal 2: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos

Jose Teoderico Camacho
4 min readOct 14, 2020

--

Sa aking pagbasa ng “Mga Pangkaraniwang Lungkot” ako ay nalito at nahirapang ilapat sa pagsulat ang aking mga ideya. Una kong naisip ay siguro may pagka-meta ang tulang ito. Ang sunod ko namang naisip ay parang sinusunod ng tula ang porma ng isang liham na naglalaman ng mga huling habilin.

Para mabigyang tugon ang mga ideya kong ito, minarapat kong hanapin kung ano nga ba ang posibleng konteksto ng tulang ito. Ayon sa Merrian-Webster, ang salitang Corpus ay salitang Latin na maaring tumutukoy sa mga labi ng isang tao o hayop o isang koleksyon ng mga akda. Interesante ang paglalarong ito sa salita. Sa katunayan, nang mabasa ko ang mga kahulugang ito ay tila may suminding bumbilya sa utak ko. Naisip ko “Posible kayang ang akdang ito ay isang koleksyon ng akda ng isang taong namaalam na?” ang nakuha kong sagot — maaari.

Pinasadahan ko ang mga sumunod na mga tula. Lahat ay tila may tema ng paglisan, at ng pagiging existential. Naisip ko na siguro ang koleksyong ito ay mayroong gustong ikwento — siguro ay gustong nitong magbigay komentaryo sa buhay at sa paraang ng pamumuhay ng tao, at sa mga pinagdadaanan sa buhay na iyon — ang pag-ibig, mga kalungkutan, pakikipagkapwa, pagtanda,at paglipas ng panahon.

Ang pokus ng “Mga Pangkaraniwang Lungkot”, na syang unang tula sa koleksyon, ay syempre ang lungkot na nararanasan ng persona. Pero, ano nga ba ang mga kalungkutang ito at saan ito nanggagaling?

Sa palagay ko, ang persona ng tula ay isang matandang tao, at ang tulang ito ay nagsisilbing kanyang proof of life. Para ilathala sa atin — tayong mga mambabasa — ang kanyang mga napagtanto sa kaniyang buhay. Binanggit nya sa kanyang liham na ang sulat na ibinigay nya ay kalakip ang kanyang “mga pangkaraniwang lungkot” at mga mahahalagang memento. Para sa kanya, ang liham na ito ay pagpapatunay ng kanyang pagiging mortal at pagiging isang tao. Sabi nya;

“Bukod sa pangalan, lagda at lunan, kalakip ng sulat na ito ang lahat ng aking mga pangkaraniwang lungkot: lukot-lukot na ulap, isang itim na balahibo ng uwak, isang pinggang may pingas sa labi, larawan ng matandang simbahan, tatlong itinuping bulaklak, at isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo. Ito na lamang ang naiwan, at ang lahat ng ito’y ipinauubaya ko na sa iyo.”

Maraming detalye ang nabanggit, simulan natin ang pagtalakay sa mga ito sa lukot-lukot na ulap. Siguro ay nagsisilbing simbulo ang ulap na ito sa mga hirap na dinanas ng sumulat ng tula, maari ding sumisimbolo ito sa mabibigat na damdaming kanyang dinadala. Ang itim na balahibo naman ng uwak ay maaring nagsisilibing simbulo ng kalungkutang dala-dala ng persona o kaya naman maari ding sumisimbolo ng kamatayan. Ang isang pinggang may pingas sa labi; ang pinggan ay maaaring nagpapakita ng kanyang gutom na isang tanda ng pagiging mortal. Ang larawan ng matandang simbahan — isang tanda ng kanyang pananampalataya, maari ring indikasyon ng kanyang paniniwala sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. At isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo, maaring sumisimbolo sa kaiksian ng buhay. Ang Lahat ng ito ay kanya daw ipinapasa sa mambabasa bilang patunay ng kanyang buhay. Tila nakikiusap na alagaan ang alaala nya pagkat sya ay tao rin.

Sa may bandang gitna papuntang dulong bahagi ng tula ay tila naglalabas ng sama ng loob ang persona. Sabi nya, mas madalas natin tignan ang ating mga sarili bilang sentro ng mundo. Sa kaniyang paglalahad ng saloobin, parang pinapaaalala ni persona mas maraming mga nakababahala at nakakalungkot na bagay sa ating lipunang kinagagalawan kaysa sa ating mga personal na agamagam. Ito ay pinakita nya sa pagbanggit ng tatlong anghel na sumisimbulo sa ating mga pang-sariling mga takot at pangamba at sa paglilista nya sa mga kanyang agam-agam sa lipunan — sina Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok, at Labis-Labis na Libog.

“Humihingi ako sa iyo ng paumanhin, konting panahon at pasensiya. Ipagdamot mo ang ilan ko pang balita.”

Nakiusap si persona sa atin na pagpasensyahan ang kanyang paglalahad ng damdamin. Dito ay tila kaniyang inilantad ang kanyang mga tunay na gustong sabihin. Inisa-isa nya kaniyang mga pangamba at pinagmumulan ng kalungkutan; sabi nya:

“Nais kong banggitin na ang aking mga kasama’y naglaho nang lahat, nilamon ng hamog at usok.

Na binubura ng takot, gutom at tutok ng baril ang buong lungsod.

Na naulol ang historyador sa pagbibilang ng mga lumulutang na katawan.

Na nagnanaknak na langib ang siyudad sa katanghaliang-tapat.

Na umaalingasaw ang lamang-loob ng sementeryo kapag bilog ang buwan.

Na kailangan kong maligo bago matulog upang maalis ang libag, langis at lumot ng maghapo’t magdamag sa aking balat.”

Siguro kanyang kinalulungkot ay ang pagkawala ng kanyang mga kaibigan at ang tila pagkabulag at pagkamanhid ng sambayanan sa isang lipunan na mapang-api sa sarili nitong mamamayan. Dagdag pa rito ang kaniyang nabanggit sa naunang bahagi ng tula na tila masyado tayong nakapokus sa ating mga sariling mga takot at kalungkutan at nakakalimutan na natin na tignan ang ating kapwa at ang ating mundong kinagagalawan. Samakatuwid, nais ni persona na sa kabila ng ating patuloy na paglaban sa ating mga pangsariling mga problema at pangamba ay huwag nating kalimutang pakinggan at unawain ang mga tinig ng mga nangangailangan para hindi ito mabaon lamang sa limot sa bawat paglipas ng araw.

May kakaibang lalim ang tulang ito, madaming pwedeng iterpretasyon kaya hindi madaling tukuyin kung ano nga ba ang tunay nitong layunin. Kaya naman sa pagsulat ko ng pagsusuring ito ay hindi ko maiwasang mangamba. Hanggang ngayon ay pakiramdam ko na ang tulang ito ay isang maze na walang katapusan. Sa bawat pagrebisa at pagkumpuni, ay lalo akong nalilito. Siguro ay ito ang nakapapasong halik na nais iparamdam ng tula. Ang pagkabalisa pero hindi matukoy ang sanhi. Nasiyahan ako sa hamon na ipinresenta ng tulang ito. Patuloy kong babalikan at pagninilayan ang talinhaga nito.

--

--