Online Journal 1: Repleksyon sa Tula ni Jess Santiago
Sa pagbasa ng tula ni Jess Santiago na “Kung ang Tula ay Isa Lamang”. Napansin ko na may mga malalim na salitang tagalog dito; kaya minabuti ko na i-google muna kung ano ang mga posibleng salin nito sa ingles para mas mabuti kong maintindihan ang tula. Ang mga ginamit kong salin sa mga salitang “pumpon”, “pusalian”, at “inumit” ay “bundle”, “putikan”, at “ninakaw”.
Matapos kong hanapin ang mga salin ay binasa kong mabuti ang tula. Sa aking pagbasa, naisip ko na siguro ay para kay Jess Santiago ay ang isang tula na puro salita lamang at walang pinaglalaban, walang maia-ambag sa buhay ng tao ay walang kwenta. Hiling ng awtor sa mga kapwa nya makata na sana ay kung bungkos lang ang ibibigay sa kanya — yung bungkos na sana na makapagbibigay ng sustento sa kanya. Samakatuwid, kung bungkos na rin lang — edi sana ay bungkos nalang ng gulay, edi nabusog pa ako.
Maliban sa pagiging masustansya at nakakabusog, aking naisip na siguro ay may iba pang ibig sabihin si Jess Santiago sa mga gulay na pinili nyang gawing halimbawa. Ang kamote at kangkong, ay mga gulay na madals may negatibong konotasyon. Madalas ginagamit ang “kamote” bilang insulto o paraan ng pamamahiya para sa mga tao na tila hindi ginagamit ang utak sa kanilang ginagawa. Ang “kangkong” naman ay madalas madidinig sa kasabihang “pinulot sa kangkungan”, na ayon sa aking nanay at lola, ay tumutukoy sa isang tao na mahina, o sa isang bagay na ibininasura na lamang. Sa aking palagay ay pinili ni Santiago na gamitin ang mga ito bilang simbolismo na ang isang tula na pumpon lang ng salita ay mahina at di masyadong pinag-isipan.
Para sa akin,ang isang tula na ang tanging lakas ay ang paglalaro nito sa wika ay isang mahinang tula. Patuloy itong binigyang lalim ni Santiago sa pagtalakay sa bituka at panlasa , sabi sa tula:
“pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa”
Maaring inihahambing ni Santiago ang bituka sa isang tao. Ang bituka ay walang malay. Hindi kailanman nakakaramdam ng pasakit sa buhay kaya naman ito ay walang pakialam kung bigyan mo sya ng kahit ano, basta mabusog ay hindi ito nagrereklamo. Subalit, sa buhay ng isang tao na puno ng hirap; hindi na sapat ang makiliti lamang ang panlasa at ang maibsan ang gutom.
Sa aking hinuha, ito siguro ang paraan ng tula na para sabihin na para sa isang manunulat, kayang tiisin ang gutom at hirap. Pero ang isang tula na isang paglalaro lamang sa wika — at wala nang ibang gamit pa kung hindi yon lamang — ay isang malaking kasalanan.
Siguro ang tulang ito ay nagsisilbing paalala,pangungutya at isang pangaral sa mga manunulat. Nais ipaalala ng tula sa mga manunulat na hindi salita ang tanging pokus ng isang manunulat. Ang pagiging isang manunulat ay higit pa sa pagkadalubhasa sa wika. Ang pagiging manunulat ay pagiging isang humanista na ginagamit ang wika at salita bilang midyum para mas lalong mapabuti ang buhay ng tao.
Para sa akin, ang tulang ito ay madaling i-overthink pero simple lamang ang gusto nitong sabihin. Kapag tayo ay magsusulat ng tula o anumang porma ng literatura, ay dapat may sinasabi tayong makabuluhan.
Aking aking nai-imagine ay para bang bumili ka ng isang magandang bag pero hindi mo ito magamit bilang isang bag; kasi ang layunin lang nung gumawa ng bag ay maging palamuti lang ito. Para bang nagsayang ka lang ng pera sa isang bagay na akala mo may maitu-tulong sayo, pero yun pala wala.
Nung una kong naisip kung ano nga ba ang sinasabi ng tulang ito, ako ay tila nabagabag dahil naalala ko ang aming capstone project. Ang capstone kasi namin ay may kinalaman sa pagsulat, at ngayon ko lang nararamdaman ng buo ang bigat ng responsibilidad, at lakas ng kapangyarihan ng pagsulat. Natawa kami ng mga kagrupo ko sa capstone nung una kong nabanggit sa kanila ang mga munimuni ko kasi pare-pareho pala kami ng iniisip.
Maliban doon ay naramdaman ko na tila hinihikayat din ako ng tulang ito. Maraming beses kasi na nahihirapan akong maghayag at iparating sa iba ang gusto kong sabihin kapag nakikipag-usap. Pero kapag nagsusulat ako, para bang mas madali itong gawin. Kaya naman, inirekomenda sa akin ng ate ko na subukan ko daw sumulat bilang isang pagsasanay sa pag-organisa ng aking mga ideya. Pero ang lagi ko lang tugon ay “sige hahanapan ko ng oras” pero sa totoo lang ay sinasabi ko iyon kasi wala naman talaga akong maisip kung ano nga ba ang aking dapat isulat. Pero nung nabasa ko itong tulang ito para bang sinasabi nito sa akin na simulan ko nang magsulat dahil magagamit ko ito bilang isang kasangkapan para mas maiparating ko ang nais kong sabihin at para maiparating ko rin ang nais sabihin ng mga hindi nabibigyang pagkakataon na magsalita o mapakinggan.
Masaya ako at lubusang nagpapasalamat sa aming guro na ipinabasa amin ang tulang ito. Dahil ginanahan ako lalong gawin ang aming capstone project at mas naliwanagan ako kung bakit dapat simulan ko nang magsulat.
Mga sanggunian:
Hellingman, J. (2001). Philippine On-Line Dictionary. Retrieved October 07, 2020, from http://www.bohol.ph/diksyunaryo.php?sw=ninakaw%2C+inumit
Meaning of pumpon. (2010). Retrieved October 07, 2020, from https://tagalog.pinoydictionary.com/word/pumpon/
What does pusalian mean in Filipino? (n.d.). Retrieved October 07, 2020, from https://www.wordhippo.com/what-is/the-meaning-of/filipino-word-8b85700ef3263ee548f7491b3264cab82618ed27.html