CNF Online Journal 2: Animalia ni Wilfredo Pascual
Ang Animalia ni Wilfredo Pascual ay isang koleksyon ng mga anecdotes na nakabase sa mga karanasan niya kaugnay ang mga hayop. Ang pagkakasulat sa akdang ito ay parang isang train of thought. Dahil dito, medyo nahirapan akong sundan ang takbo at daloy ng akda pero sa tingin ko naman ay nakuha ko ang nais ipahiwatig ng koleksyon ng mga anecdote na ito.
Siguro ay ako lamang, pero napansin ko na sa kabila ng patalon-talon at paiba-iba ang tagpuan at paksa ng bawat anecdote ay tinatahi ito sa iisang kwento sa pamamagitan ng mga pilosopikal na ideya. At ang pagkakasunod-sunod ng mga anecdote ay tila bumubuo rin ng isang kumpletong kwento na nagdadala sa mambabasa mula sa bahay ng mga lolo at lola, papunta sa iba’t ibang mga lugar sa mundo, at sa huli ay muling uuwi sa mga payak na probinsya ng Nueva Ecija.
Sa bawat anecdote ay tila tinalakay ni Wilfredo Pascual ang iba’t ibang pilosopikal at eksistensyal na mga paksa. At ginagamit niya ang mga karanasan niya sa pakikipagsalamuha sa mga hayop upang ilarawan sa ating mga mambabasa sa malinaw na paraan ang mga pilosopikal na katanungnan na umuusbong mula sa mga karanasang iyon. At ang paggamit ng may-akda ng first person POV ay naktulong sa pagbibigay ng bigat at ng mas personal na “oomph” sa buong akda at sa bawat anecdote.
Ang pagkakasulat at paglalarawan ng awtor na si Wilfredo Pascual sa mga lugar, panahon, hayop, at damdamin ay nakakapaghikayat sa mambabasa na magpatuloy sa pagbabasa. Sa isang punto sa aking pagbabasa nga ay naramdaman ko na tila surreal ang mga nilalarawan ng may akda. At sa bawat paglalarawan niya ng mga batis, bangin, ng gabi, at ng araw ay tila nakakakita ako ng mga obra ni Amorsolo, Van Gogh, Monet, at Degas. At ang pagkakasulat sa bawat anecdote ay parang may sinusunod na anyo kung saan magsisimula ito sa paglalapat ng konteksto ng kung saan, kailan, bakit, at ano ang mga nagaganap sa anecdote na iyon. At mula dito ay magpapatuloy ang kwento mula sa pananaw ng nagsasalaysay at pagdating sa “climax” ng bawat anecdote, parang natulala ang nagsasalaysay at nagkakaroon ng “out of body” na experience. Gusto ko ito kasi tila naililipat sa mambabasa ang mga katanungang hinaharap ng nagsasalaysay at nagagawa ito sa isang paraan na hindi nakakagulantang at naipi-presenta ang tanong sa isang magaan na paraan.
Sa kabuuan, pakiramdam ko ay nais iparating ni Pascual na ang karanasan ng mga tao ay hindi nalalayo sa karanasan ng mga kahayupan, at makakabuti sa atin kung paminsan-minsan ay sasadyain natin na isipin at pagnilay-nilayan kung ano nga ba ang pakiramdam ng mga hayop na ito o isipin kung ano kaya ang iniisip nila? At ang pagsasanay na ito ay makakatulong sa atin na mas maging malapit sa mundo.
Sa pagbabasa ko ng akdang ito ay tila sinama ako ni Wilfredo Pascual sa isang time machine, at sa pagtatapos ng aming paglalakbay ay tila mas malalim na ang pagkilala ko sa sarili ko, sa kaniya, at sa mundo.