CNF Online Journal 1
Tunog sinauna daw ang aking una at pangalawang mga pangalan, exotic, very statesmanly. Ang una, pangalan ng bayani, at salin sa wikang kastila para sa pangalan ng ilang mga tauhan sa bibliya. Ang pangalawa naman ay hango raw sa pangalan ng isang hari ng mga Ostrogoths noong ika-limang siglo.
Sa kabila ng mga bigating credentials ng pangalan ko ay ayaw na ayaw ko itong isulat noong ako ay nasa elementary pa. “Napakahaba naman kasi, nagsusulat pa lang ako ng pangalan e ubos na oras ko sa exam.” ang lagi kong kuda noon. Noon, akala ko gusto lang ng magulang ko na tunog maganda ang pangalan ko, o kaya eh kung sinasadya ba nilang ipangalan ako kasunod ng mga bigating tao na nabanggit ko sa nakaraang sanaysay.
Naalala ko nung nasa ika-limang baitang ako ay nakuha ang aking interes nang mapansin ko na ako, ang tatay, ko at ang lolo ko sa linya ng tatay ko ay iisa lang ang pangalan — Jose. Na, sa pagkakaalam ko ay ako na ang pangatlong henerasyon saamin na may dala ng pangalang ito.
Sa pagtatanong ko, nalaman ko na ang pangalawang pangalan ko pala ay hango sa pangalan ng aking lolo sa tuhod, na nagsilbing isang sundalo noong ikalawang digmaang pandaigdig, at ng nanay ko — Teodorico, at Roderica. Bagkus ay Teoderico (dito din nanggaling ang aking palayaw. Ang ico ay ginawang Eco).
Noong malaman ko iyon, unti-unti ko akong napamahal sa aking pangalan, hindi dahil kapangalan ko ang mga santo, hari, o bayani. Kung hindi ay dahil ang pangalan ko ay tila isang time capsule na naglalaman ng kasaysayan ng aming pamilya. Kaya naman tuwing may pagkakataon na kailangan magpakilala ay hindi ko minamadali ang pagbigkas dahil gusto kong ipagmalaki ito sa mga tao. “Ako po si Jose Teoderico Camacho”
Isa pang bonus ng pangalan na ito ay kung hindi ito ang pinili ng mga magulang ko ay Procopio siguro ang tawag sa akin ngayon, ngek!