Bagay Tayo ni Jerry Gracio
Sa pagbabasa ng maiikling excerpts mula sa akda ni Jerry Gracio na Bagay Tayo ay ipinakilala sa atin ng may-akda si Mong (na kilala rin sa tawag na Pitbull) at pinakita niya din sa atin ang naging daloy ng kanilang pag-iibigan.
Madaling sundan ang pagkakasalaysay, maihahalintulad ko ito sa isang three-act romantic movie mula sa pananaw ng may-akda. Ang unang yugto ay matutunghayan natin kung paano at saan nagkakilala ang mga nag-iibigan. Ang ikalawang yugto naman ay ang punto sa isang relasyon kung saan kinkilala nila ang isa’t isa. At nasa ikatlong yugto naman ang isang matinding away, at ang pagbabalikan at pagkatagpo ng mas malalim na pag-ibig para sa isa’t isa. Sa palagay ko ay epektibo ang desisyon na ito ni Gracio dahil pamilyar ang nakararami sa ganitong format ng mga kwento kaya naman sa paggamit nya ng ganitong pagsasalaysay ay mas nahuli tayo at hinatak pa ng kwento para magbasa.
“Pero gano’n naman talaga ang kuwento — hinuhúli
táyo para hindi bumitaw. Hanggang sa matuklasan natin ang lahat[.]”-Jerry Gracio p. 25
Magaan at kaswal ang pagku-kwento ni Jerry Gracio. Para sa akin, ang paggamit ng kaswal na wika ay nakatulong na i-set ang tone at mood ng akda na maging lighthearted, romantiko, at mas naka-tanim sa realidad. Ang paggamit ng kaswal na wika din na ito ay nakatulong na makapagbigay ng mga mas madaling maintindihan na mga paliwanag at paglalarawan sa mga pangyayari. Dagdag pa rito ang pag-sipi ni Jerry Gracio ng mga kataga upang i-summarize ang mga komplikadong ideya at damdamin. Ang mga ito ay nakakatulong na makuha agad ng mambabasa ang bigger picture maging ang mga kaakibat nitong emosyon. At ang mga mabilis maintindihan na mga kataga at paglalarawan ay nakakatulong sa relatability ng akda at mas nailalapit ang mambabasa sa mga karakter.
“Hindi linear ang kuwentuhan, hindi laging nag-uumpisa
sa umpisa at natatapos sa katapusan. Minsan, walang katapusan.”-Jerry Gracio p. 23
Sa akdang ito ay nasaksihan natin ang simula ng makulay na pag-iibigan ni Jerry Gracio at ni Mong na sa kabutihang palad ay hindi rin nagtapos sa pagtatapos ng excerpt na aking nabasa. Muntikan na lamang matapos ang pag-iibigan ni Gracio at Mong kasunod ng kanilang away, subalit ay ang panandaliang wakas na ito ay nagbunga sa pagsisimula ng bagong yugto sa kanilang relasyon.
Sa pagbasa ko ng mga excerpt na ito, hindi ko maiwasang maisip na cliché naman ng kabuuang kwento nito. Ngunit ito ay aking pag ni-nitpick lamang sa pangkalahatang storya, ang excerpts na nabasa ko ay puno ng mga nuances mula sa mga unique na karanasan ng may-akda na si Jerry Gracio. Naging masaya at nakapupuno ng puso ang kwento, siguro ay babalikan ko ang akdang ito para basahin ang kabuuan ng libro.